ISANG GABI SA PILING NG MAYNILA
Jayson Alvar Cruz
Sabik na sabik na lumuwas ng
Maynila si Boyet. Nais niyang maranasan ang kaniyang mga nababasa sa komiks
tungkol sa kaunlaran ng Maynila. Ibig niyang makita ang nagtatayugang mga
gusali. Gusto niyang malakaran ang naglalakihang mall. Gabi na nang makarating
sa Maynila si Boyet. Sinundo siya sa terminal ng kaniyang tiyuhin. Laking gulat
ni Boyet sa larawang tumambad sa kaniya. Nanikip ang kaniyang dibdib matapos
makababa ng bus.Jayson Alvar Cruz
BOYET: “Ganito ba karumi ang Maynila Tiyo? Napakausok at lubhang napakarami ng kalat.”
TIYO: “Masanay ka na Boyet. Hindi ba gusto mong maranasan ang buhay
dito sa Maynila? Halika’t ipapasyal muna kita bago tayo umuwi ng bahay.” Sa kanilang paglalakad, narinig ni Boyet ang usapan ng isang pangkat ng mga kabataan.
BINATILYO 1: “Wow tropa, lakas ng amats ng dubi! Panalo!”
BINATILYO 2: “Nagsolo ka naman brod eh, bwiset! Waisted tuloy ako
kanina. Buti na lang, may karga si Tuklaw na tobats, nakajam ako kait konti”
BINATILYO 3: “Dapat makadiskarte tayo ng tsibog ngayon. Tomguts na ko eh.”
BINATILYO 1: (Bumulong sa binatilyo 2. Nanlilisik ang mga mata. Inginuso ang naglalakad na estudyante. Maya-maya’y biglang naglaho ang tatlong binatilyo sa dilim. Narinig niya ang impit na tili ng dalagitang estudyante. Tinangkang saklolohan ito ni Boyet subalit pinigilan siya ng kaniyang tiyuhin.
TIYO: “Huwag kang makialam Boyet. Mapapahamak lang tayo. Hayaan mo na sila.”
BOYET: Bakit tiyo? Nangangailangan ng saklolo ang babae. Kailangan niya tayo.
TIYO: “Huwag na! Masanay ka na sa Maynila.”
Nagpatuloy sila sa paglalakad, may sumalubong sa kanilang mga babae. Nakapustura at puno ng kolorete ang mga mukha nito.
BABAE 1: “Boss, short time? 500 lang.”
TIYO: (Umiling ang tiyo ni Boyet) “Hindi, ipinapasyal ko lamang ang pamangkin ko.”
BOYET: “Anong sinasabi ng babae tiyo? Bakit ganoon ang ayos ng kanilang pananamit?”
TIYO: “Malalaman mo rin Boyet pagdating ng panahon kung bakit sila nasadlak sa ganoong buhay. Mauunawaan mo rin ang lahat dito sa Maynila.”
Labis na naguguluhan si Boyet sa mga nangyayari sa kaniyang paligid. Marami siyang katanungan sa kaniyang isip. Hanggang sa marating na nila ang eskinita patungo sa bahay ng kaniyang tiyuhin. Makipot at tila bituka ng manok ang kanilang binabagtas nang may marinig silang putok. Pinadapa siya ng kaniyang tiyuhin. Kumubli sila sa isang lugar na napaliligiran ng pader. Sunod-sunod na putok. Maya-maya, narinig niya ang sirena ng pulis. Tumayo na sila. Paroo’t paritong nagtatakbuhan ang mga tao. Sa wakas, narating na nila ang bahay ng kaniyang tiyuhin. Bumungad agad sa kaniya ang lima niyang pamangkin na kasalukuyang himbing na natutulog sa lapag ng bahay. Maliit, masikip at may kung anong nakasusulasok na amoy ang nalanghap ni Boyet.
BOYET: Tiyo, paano ninyo natitiis na tumira sa ganitong lugar? Hindi na ba kayo babalik sa probinsiya? Wala ba kayong balak na doon palakihin ang mga pinsan ko?
TIYO: Matagal ko nang binabalak na umuwi subalit naririto ang trabaho ko, wala akong magawa Boyet, wala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento